Tuesday, September 18, 2007

Pang-Gabi

Naranasan mo na bang magtrabaho sa opisina habang gabi?

Ako, oo.

Ang aking kasalukuyang trabaho ay may pang-gabing schedule. Hindi lang 'yun. Dalawa lamang kami sa opisina buong gabi. Minsan, naranasan ko na rin na ako lang mag-isa sa buong gusali...magdamag.

Kapag breaktime, imbis na kumain, ay natutulog na lamang ako. Minsan ay nanaginip ako. Sa eksena sa aking panaginip, ay natutulog rin ako sa opisina. Kung ano ang pwesto ko mismo sa aking pagtulog sa totoong buhay, iyon din ang aking pwesto sa pagtulog ko sa aking panaginip. Nagising daw ako dahil maingay. Ang dami-rami raw nagta-type nang pagkalakas-lakas. Bumangon ako upang tingnan kung sino ang grupo ng mga empleyado na nagtatrabaho. Pagtingin ko sa kanila, parang naramdaman nilang lahat na pinanonood ko sila. Sabay-sabay silang huminto sa pagta-type, at sabay-sabay ring dahan-dahan na lumingon sa akin. Ako ay lubusang nagulat at nasukob ng takot ng makita kong lahat sila ay WALANG MUKHA!

Doon na natapos ang aking panaginip at bigla na nga akong nagising na humihingal. Parang totoo talaga ang panaginip kong 'yun!

Isang kwento naman ng aking kaibigan tungkol pa rin sa pagtulog sa opisina 'pag gabi. May kaibigan raw siya na natulog sa isang bakanteng kwarto sa kanilang gusali. Nakasubsob itong natulog sa isang lamesa. Sa kanyang paggising, pinipilit niyang bumangon sa pagkakayuko, ngunit hindi niya ito magawa. May napadaan na isa pang empleyado at nasaksihan ang nangyayari sa kanya. Ayon sa saksi, hindi raw nito magawang i-angat ang kanyang ulo sapagkat mayroong isang matandang lalaki na walang ulo na nakahawak sa kanyang batok!!


Sunday, September 9, 2007

The Story Behind the Rocking Chair

Just watch the rocking chair... it's really creepy.